This Side Up: So, gusto mong mag-solo?

Kahit anong palabas ay puwede mong panoorin sa TV. Puwede kang makipag-telebabad hanggang madaling araw. Walang problema kahit na mag-inuman kayo ng mga kabarkada mo at makitulog sila sa inyo. Hindi mo na kailangan magpaalam sa magulang kung gigimik ka at okay lang umuwi sa bahay ng lasing. Ito ang mga puwede mong gawin kapag hindi ka na nakatira sa bahay ng magulang mo. Ito ang perks ng buhay-independent. Ito ang pinapangarap ng halos lahat ng kakilala ko.

Noong elementary ako, may napanood akong episode sa isang drama series tungkol sa tatlong magkakaibigan na nakatira sa iisang bahay. Tandang-tanda ko pa iyong eksenang isa sa kanila – si Cherrie Gil pa yata iyon – ay naka-pajama, kakagising lang at kumakain ng isang malaking bag ng potato chips for breakfast.

Sobrang nag-stick sa isip ko ang scene na iyon at sinabi ko sa sarili ko, pag-laki ko, gusto ko ng ganoon. Gusto kong tumira sa isang bahay kasama mga kaibigan ko at kakain ako ng potato chips for breakfast at walang makikialam sa akin.

That childhood dream of independence materialized when I went to college and lived in a dormitory. Ganoon pala iyong feeling ng walang magulang na nagbabantay. Walang gumigising sa akin sa umaga at puwede akong hindi pumasok para matulog buong araw. Kahit na inaabot ako ng gabi sa SM, okay lang. At puwede akong kumain ng Piattos at V-cut for breakfast na hindi nakakarinig ng sermon mula sa nanay ko na hindi mabuti sa katawan iyon.

Sobrang na-enjoy ko ang independence ko kaya noong grumaduate ako at nagtrabaho na, I moved in to an apartment with my friends. Dahil roommates ko na since college ang mga kasama ko, parang extension lang ng dormitory ang apartment namin. Only better dahil walang mga manang na nag-ski-screen ng mga tawag at bisita. Walang pila sa banyo. Walang curfew. At puwedeng magpatuloy ng lalake sa kuwarto. (hehehe)

It was pure bliss, indeed. Hindi ba pangarap nating lahat ang mamuhay mag-isa at walang nagsasabi kung ano ang dapat at hindi natin dapat gawin? But the best things in life are not really free because independence has a price. And it doesn’t come cheap.

Siyempre, may buwanang renta ka na aalalahanin. Idagdag mo pa ang kuryente, tubig, telepono at association dues. At dahil hindi ka na nakatira sa magulang mo, ikaw na mismo bibili ng mga gamit na dati ay nanay mo ang namimili tulad ng toothpaste, sabon, at shampoo. Ikaw na rin ang bahala sa pagkain mo araw-araw.

Noong bago pa lang akong nagtatrabaho, naranasan ko na kumain ng Lucky me pancit canton at pan de coco para sa lunch. Minsan naman pupunta ako sa bahay ng kaibigan para makalibre ng dinner. Iyong mga discount coupon ng McDo, lahat iyon tinatago ko. Naranasan ko na mag-ulam ng tukneneng at maghagilap ng barya sa mga bulsa para lang may pamasahe. Nagawa ko na ring haluan ng tubig ang shampoo para dumami dahil malayo pa ang suweldo at wala pa akong pambili.

Kung nakatira ako sa magulang ko, hindi mangyayari sa akin iyun. Pag-gising ko, hindi ko na poproblemahin ang kakainin ko dahil nakahain na sa lamesa. Hindi tulad ngayong naka-apartment ako, madalas hindi na ako nagbe-breakfast dahil wala na akong oras mag-prepare. At pag-uwi ko naman sa gabi, masyado na akong pagod sa trabaho para magluto kaya nagbubukas na lang ako ng delata o kay nagtitiyaga sa Gardenia at sandwich spread.

Marami pa disadvantages ang nagsosolo, like being alone and not having someone to take care of you. Naalala ko nung wala pa akong roommate at inaapoy ako ng lagnat. Lumabas ako ng bahay na nanginginig sa ginaw (dahil alas-sais pa iyun ng umaga) para lang makabili ng Sky Flakes sa tindahan dahil kailangan ko kumain bago uminom ng gamot at walang pagkain sa bahay.

May isang gabi rin na bigla akong nag-palpitate at wala akong kasama kaya tinawagan ko ang barkada ko at sinabing iwan niyang naka-bukas ang cellphone niya para matawagan ko siya in case of emergency.

But then these things make us smarter and stronger. Puwede kong sabihin na kaya ko na tumayo sa sarili kong paa. Ang dami kong natutunan mula nang bumukod ako sa magulang ko.

Noong bata ako, hindi mo ako mapapahugas ng plato at mapapalaba. Inuuwi ko ang mga undies ko at pinapalabhan ko pa sa nanay ko noong nagdo-dorm ako. Pero ngayon, once a month ay nag-a-allot ako ng isang weekend para maglaba.

Natuto na rin akong magluto para makatipid. Sa umpisa, umaasa ako sa delivery at take out pero na-realize ko na halos doble ang gastos kapag kumakain ako sa labas. Nagluluto na rin ako ng baon sa opisina kahit na prito at adobo lang lagi dahil iyun lang madaling lutuin.

Marunong na rin akong mag-budget ngayon. Proud akong sabihin na kabisado ko na kung saan mura mamili ng grocery. Iyong 2 pesos na difference ng Rustans sa Robinson’s Galleria, malaking bagay na yan kung tutuusin.

Natuto na rin akong maging responsible at maging accountable sa lahat ng ginagawa ko. Halimbawa, dahil nag-overspend ako sa damit at sapatos, magtiyaga na muna ako sa Spanish sardines na ulam. O kaya dahil sa malaki ang bill ko sa telepono, hindi muna ako gigimik ng isang buwan.

Nakaganda din sa relasyon namin ng parents ko ang paghiwalay ko sa kanila. Dahil hindi kami madalas na magkasama, hindi na rin kami nag-aaway ng nanay ko. Mas naging close nga kami noong umalis ako ng bahay namin at mas nakakapag-usap na kami ngayon. Ang tatay ko naman, nabibiro ko na at nakakainuman ko pa kapag may family reunion kami.

Ang daming advantages ang pagiging independent pero ang dami ring trade-off. Puwede kang pumunta saan mo man gusto at gumimik hanggang madaling araw pero kapag naubusan ka ng pera at malayo pa ang suweldo, dapat handa ka ring kumain ng pancit canton kapalit ng isang disenteng meal.

Puwede kayong mag party at mag inuman magdamag pero isipin mo rin na kinabukasan, pagkatapos ng kasiyahan at nag-uwian na mga kaibigan mo, maiiwan ka para maglinis ng kalat, maghugas ng plato at magtapon ng mga basyo.

Walang magulang na nakikiaalam sa kilos mo pero ikaw ang maglalaba ng damit mo, magluluto ng pagkain mo, magflo-floorwax ng sahig, maglilinis ng toilet bowl, magtatapal sa tumutulong bubong, at magtatapon ng dumi ng pusa na nasa balkonahe.

Kapag nakabukod ka, you are free to do what you want to do pero kailangan handa ka sa mga consequences ng actions mo. Kung may mali kang desisyon, sarili mo lang ang masisisi mo. At may mga panahon na mararamdaman mo na mag-isa ka lang at wala kang ibang matatakbuhan kahit nasa kabilang kuwarto lang ang housemate mo.

So ano, gusto mong mag-solo?

4 Likes

Been away from my family for about half of my life, and yes, will never change a thing. Many ups and downs (lalo na 'yung pagtitipid ng budget, pagpunta sa Infirmary mag-isa noong nag-numb ang mga binti ko, regular dinner na lugaw sa KNL worth 27pesos, paghahanap ng raket so that I wouldn’t need to ask for allowance, etc.), but I liked the journey and the outcomes. So to answer the queston: Gustung-gusto! I’m all for being self-sufficient :aprub:

POV from my family: Maaga ka kasi nagsarili, kaya mahirap ka na namin diktahan. Gayunpaman, malaki ang tiwala namin sa iyo, dahil hindi mo naman kami binigyan ng sakit ng ulo kahit kailan.

4 Likes