Tembtation: Sa Ikaapat na Anibersaryo ng Peyups

Sa ating tila walang hanggang pagna-navigate o pag-i-explore sa CyberSpace, may mga pagkakataong nakakatagpo tayo ng Web sites na ating babalik-balikan, hanggang sa ang mga ito’y maging atin nang tahanan sa ating buhay online.

Ganito ang Peyups sa aking karanasan.

Hindi ko na maalala kung paano ko eksaktong natagpuan ang Peyups, ngunit may palagay akong sa aking kalikutan sa Internet, napadpad na lang ako rito isang araw—o gabi—at nag-ukol ng konting panahon hanggang sa maging regular visitor, at sa bandang huli ay lagi nang nakikipagkulitan kina Bosing Karl and Mimi at iba pang members.

Setyembre 1999 pa ang pinakaunang banggit sa Peyups sa mga lumang e-mail na nai-save ko pa sa aking computer. Sagot ko iyon sa isang mensahe mula kay Jaytee, orgmate ko sa UP Journ Club. Nagpapalitan kami noon ng mga kuwento sa aming pagka-adik sa buhay sa Net, at siyempre’y ibinida niya ang Peyups. Sinabi ko naman sa kanya kung paanong tuwang-tuwa ako sa Peyups banner na tabing lagoon na spoof ng Tabing Ilog.

“So, what do u do at peyups.com? web design or something? is it a regualr work? I’ve seen ur banner (tabing ilog) and i really like it. balak ko ngang ilagay sa personal site ko na binubuo ko pa lang. Actually, mas nauna pa yung design ko ng barcada webpage (yuck, high schoolish, heheheh!) kesa yung akin talaga,” sabi ko sa e-mail na ipinadala ko kay Jaytee.

May mga nai-save rin akong pages ng Peyups.com mula sa lumang message board noong March 2000, tungkol sa noo’y katatapos lang na eleksyon ng University Student Council.

Pero na-excite ako nang ilagay nina Karl noong December 13, 2000 update sa front page ng Peyups.com ang pangalan ko—nanalo kasi ako ng tiket sa Elvis concert sa isang pa-contest ng site. (Peryodista na ako by that time at nakakaranas na ng byline at tagline sa diyaryo, pero natural na yata sa tao ang matuwang ma-publish ang kanyang pangalan).

'Yun yata ang naghudyat ng pakikipag-cyberfriends ko kina Karl at Mimi. Sa isang e-mail ni Karl ay nabanggit niya: “Pinunthan ko yung ederic.net, ok ahh… gusto mo ba ng webspace sa Peyups ala Pancit Canton?”

Noon pa man yata’y dumarami na ang cyberfans ni Jaemark, na tulad ni Jaytee ay isa ring pioneering member ng Peyups.

Anyway, sa hindi ko na maalalang dahilan ay hindi natuloy ang pagkakaroon ko ng Peyups-based na site. Pero may natanggap pa rin akong offer galing kay Karl : “We’re realunching the Peyups website on January 22… gusto mo ng column? hihi”

Kinagat ko siyempre ang offer, at matapos ang ilang panahong delay, isinilang ang Tembtation, at nalikha rin ang aking asteeg na column icon na kinahumalingan ilang mga kababaihan gaya ni ashanti.

Mula noon, naging host na rin ang Peyups.com sa aking mga sulating kapwa personal at pambansa. Sa Peyups ko isinulat ang mga isipin bilang isang taga-UP na nakikisangkot sa mga panlipunang pagkilos. Dito ko buong kakapalan ng mukhang ikinuwento sa buong mundo ang pagkakaroon ko ng crush noong first year college sa isang dormmate na naging modelo at iba pang UP-related na kasentihan. Sa Tembtation ko ihininga ang mga sama ng loob sa aking college barkada (na naging dahilan ng lalong paglala ng away), inalaala ang isang kaibigang lumisan, binigyang buhay ang non-existent at walang kakulay-kulay kong love life, at isinalaysay ang pati ang atake ng libog—sa pagsusulat man o hindi—o ang kawalan nito. Maging ang aking pagtingin sa kasaysayan at mga saloobin at advocacy bilang isang texter ay dito ko naisatitik.

Dumating ang panahong hindi lamang virtual ang pakikipagkaibigan ko sa mga taga-Peyups. Noong Halooween 2000, unang beses kong dumalo sa EB kasama sina Noel P at dawntreader. Laking gulat nga ng mga taga-Peyups nang malamang ilusyon lang pala ang kaguwapuhan ni Tembarom! Ipinaliwanag ko namang matindi talaga ang nagagawa ng bagong teknolohiya, kabilang ang Photoshop. Masaya ang unang EB kong iyon—nilasing ako ni vince at naging pangunahing entertainer ng grupo, kasama sina markku at erman, para sa gabing iyon. Siyempre, may supot na ng McDo sa bibig ko nang pasanin ako’t i-take home ng mga kaibigan ko.

Minsan nama’y nag-trip kaming manood ng Trip. Na-last song syndrome pa nga si riven: “Mayroon bang makapagsasabing iniisip kita…la la la…” at may nang-stalk kay finn habang nanonood kami ng pagsambulat ng mga tala.

Lalo ko namang naramdaman ang pagiging batang Peyups ko nang ang tropa ay nagsagawa ng penitensya papunta sa mahal kong lalawigang isla. First time yatang sumakay nina Karl at Mimi sa barko na ang kondisyon ng pasahero (na noo’y pagkarami-rami) ay parang mga refugee na tumatakas sa giyera. Anu’t anuman, nakabawi rin kami pagdating sa Marinduque. Matindi ang bonding kasama sina Kou_Chun, ate arwen at kuya aragorn, kareen, at ilan pang mga kaibigan habang nag-iinuman sa tabing dagat sa ilalim ng kabilugan ng buwan.

Bukod sa ilang EBs, itinutuloy ko pa rin ang pagsusulat (although may mga panahong pamamahinga) sa Tembtation; pagbabasa kina chinito, Choc, at iba pang columnists; pakikipagkulitan kina wendy_testaburger, PhilOwl, Queen_Amygdala, at iba pa sa Panda Cave, kung saan kadalasa’y inihahatid ko sina ashanti at maroon_tiger. Minsa-minsa’y dumaraan ako sa forums para basahin sina jazzy_fish, glitchy, Halinaw, cedar_and_spruce, melis, delirium, christina, drakulita, pillbox, olops, at iba pa.

Bahagi na ng aking pagiging taga-Unibersidad ng Pilipinas ang Peyups.com. Kapag ako’y online, at nami-miss ko ang UP, alam ko na kung saan ako pupunta. Napakalaking bahagi rin nito sa aking cyberlife. Mula nang simulan ko ang pinakamalaking proyektong ko sa Internet, ang Tinig.com, hindi nagsawa ang Peyups at mga taga-Peyups sa pagtulong.

Hindi na nga ako makakatakas sa pagkaka- tembt —dahil tembarom ang nick ko, ginagamit ko ang tembt, isa itong paglalalaro sa salitang tempt—ng Peyups.com sa akin, at wala naman akong balak tumakas. Umalis man ako rito nang ilang panahon, gaya ninyo’y muli at muli akong babalik.

Sa ika-apat na anibersaryo ng Peyups, kasama ng aking pagbati’y ang hiling na sana’y tumagal pa ito at magpatuloy ang pananagumpay.

Mabuhay ang Peyups.com!

2 Likes