Social Concerns: Like, You Know

Apat na taon pa lang ako dito sa Amerika at sa loob ng maikling panahon na ito, makailang ulit na akong may nakilala, nadinig o naranasan na nagpadama sa akin ng poot at galit.

Nakakalungkot isipin na madami pa lang mga kasing-edad ko na ikinamumuhi ang pagka-Pilipino nila. Madami pa lang Pilipino na makatungtong lang sa ibang bansa ay bigla na lang kinakalimutan kung saan sila nanggaling. Pinipilit nilang makibagay sa ibang tao na napakalayo ng kultura at paniniwala kaysa sa atin. Hindi ko sinasabing mali ang pakikibagay, kung tutuusin, tama ito dahil hindi naman maaaring tumira ka sa ibang bansa nang hindi ka makikisama sa ibang lahi. Pero nagiging mali ito kung habang pinipilit mong maging katulad nila ay nakakalimutan mo na kung sino kang talaga.

May kaibigan ako sa eskwelahan. Babae siya. Tipikal na Pilipina. Morena, katamtaman ang tangkad at hindi gaanong matangos ang ilong. Dalawang taon pa lang ako dito nung nakilala ko siya. Simula nung una naming pag-uusap hanggang ngayon, tatlong beses ko pa lang siyang nadinig mag Tagalog. Akala ko nung una, matagal na siya dito kaya panay ang kausap niya sa akin ng Ingles. At balita ko, ganito din siya sa kapatid at magulang niya kahit Tagalog naman ang salita ng mga ito. Pero di nagtagal, nalaman ko na nauna pa pala ako sa kanya ng pagpunta dito ng ilang buwan. Nakakatawa. Kaya pala kapag nagsasalita siya ay puro “like you know” ang nadidinig ko. Madalas tuloy, ang mga kwento niyang parang kulang ay dito nagtatapos. Di siguro mahanap ang mga salitang nais gamitin. Di pa kasi magsalita sa sariling wika. LIKE YOU KNOW.

Ibang-iba din ang ugali at mga gusto niya sa iba naming kaibigang Pilipino. Makapal sya mag make-up, magarbo manamit, ‘sex’ ang madalas gusto pag-usapan, parang ibang lahi kung umarte at pakiramdam niya’y matanda na siya kaya pwede na niyang gawin ang mga gusto niya. (Dahilan niya iyan nang nagreklamo siya sa akin na hindi siya pinayagan ng mga magulang niyang umalis kasama ang mga kaibigan niya. Sabi daw ng mga magulang niya, gabi na masyado para umalis pa siya dahil alas dies na. Sabi niya maaga pa daw yun, katwiran ko naman, para sa mga Pilipinong magulang na konserbatibo, sobrang gabi na yun. Lalu pa’t may mga lalake siyang kasama. Pero ayaw niya pa din tumigil sa pagmumukmok niya.) Kaya ang akala ko, dito sya pinanganak at lumaki dahil parang wala siyang alam tungkol sa mga gawi ng mga Pilipino. Pero, mali pala ako. LIKE YOU KNOW.

Sa ibang eskwelahan ko nakilala ang isa pa sa mga tinutukoy kong tila nais yatang kalimutan ang kanilang totoong pagkatao. Unang pagkakilala pa lang namin, alam ko nang Pilipino siya. Halata sa hitsura niya pati na din sa pagsasalita niya kahit matatas siyang mag Ingles. Isang araw habang nagkukwentuhan kami ng isa pa niyang kaibigan, napag-usapan namin ang plano kong bumalik sa Pilipinas para magbakasyon. Sumama ang mukha niya habang kami ng kaibigan nya ay masayang nagbabahagi sa isa’t isa ng mga magagandang alaala namin sa lugar kung saan kami lumaki at nagkaisip. Bigla- bigla, tinanong niya sa akin kung bakit nais ko pang bumalik sa Pilipinas. Katwiran niya’y wala naman daw magandang bagay sa bayan na iyon. Mahirap daw ang mga tao. Madumi ang paligid. Mabaho. Magulo. Walang disiplina ang lahat. Masasama ang mga tao lalo na ang mga nasa gobyerno kaya laganap ang krimen. Sa madaling salita, panget daw at punong-puno ng basura (tao man o talagang basura) ang Pilipinas kaya hindi na niya balak bumalik pa doon. Ipinagtapat niya pa sa akin na ito daw ang dahilan kaya itinakwil na niya ang pagka-Pilipino niya. Dahil may pagkasingkit ang mga mata niya, sinasabi niya daw na isa siyang Tsino at hindi Pilipino sa mga nagtatanong kung ano ang nasyonalidad niya. Tsino? Kung tutuusin, mas mukha pa akong Tsino sa kanya. LIKE YOU KNOW!

Hindi mayaman ang Pilipinas. Hindi ito malinis. Hindi ito malaki. Hindi ito kasing ganda ng ibang lugar. Hindi maayos ang pamamahala ng gobyerno sa bayan. Hindi madali ang buhay. Hindi madali umasenso. Hindi disiplinado ang lahat ng tao. Pero… hindi ito pangit… Hindi ito Amerika. Hindi ito Japan. Hindi ito China. Hindi ito France. Hindi ito ibang bansa, kaya aminin man nila o hindi kung sino sila, itakwil man nila o tanggapin ang pinanggalingan nila, kahit kailan, hindi mababago ang katotohanan na dugo ng isang Pilipino ang dumadaloy sa katawan nila. Dahil kahit kailan, di mababago ng salita ang pagkatao nino man.

Madaming magandang bagay sa Pilipinas at sa pagka-Pilipino. Kaya ako, handa akong ipagsigawan sa lahat na PILIPINO AKO!!!

2 Likes