Rainbow's End: Anak

Nagsimula kang magparamdam na handa ka nang lumabas mga alas tres ng madaling araw. Nasigawan at naitulak ko pa nga yata ang tatay mo mula sa kama sa taranta ko. Humingi naman kaagad ako ng paumanhin, buti hindi nagalit. Natawa pa nga at ang sabi ay, “Buti naman at lalabas na rin yan. Sabi ko na nga ba at tataunin pang madaling araw, eh! Anak ko nga yan!” Ba’t kaya niya yun nasabi? Napakamot tuloy ako sa ulo at nataasan ko pa siya ng kilay.

Ipinanganak kita ilang saglit bago sumikat ang araw at hawak na kita sa mga bisig ko nang magbukang-liwayway. Sabay nating sinalubong ang pagsikat ng araw bilang isang pamilya. Pinatulog ko muna ang tatay mo dahil parang mas napagod pa siya sa panganganak ko kaysa sa akin. May pasok pa naman yun mamaya. Sana hindi ko nabali ang daliri niya sa higpit ng kapit ko kanina. Pagod na rin ako, iidlip muna ako. Pero sabi ko sa tiyahin mong tumulong sa panganganak ko na ilapit ka sa akin. Nakatulog tayong mahigpit ang kapit mo sa daliri ko.

Hindi naman tumigil ang daloy ng dugo sa daliri kong kapit mo habang tulog tayo. Buti naman, kailangan ko pa yang daliri kong yan. Lalo na ngayong nandito ka na, aba’y pangkurot ko ata yan. Hindi, biro lang anak. Hay, hindi ko pa rin lubos maisip na nandito ka na nga at yakap-yakap ko. Matagal ka na naming hinihintay. Ang liliit ng mga daliri mo sa kamay at paa! Ang sarap amuy-amoyin. Kanina ko pa binibilang at sinisigurong walang labis o kulang sa iyo. Wala pa naman akong napapansing problema: dalawang mata, isang ilong, dalawang tenga, isang bibig, dalawang braso, dalawang kamay, limang daliri sa bawat kamay, tatlong paa…ay dalawa lang pala! Akala ko tatlo, eh. Ayos rin lang yun kung tatlo ang paa mo, magiging mahusay kang photographer pag laki mo, hindi mo na kailangan ng tripod .

Ang ganda-ganda mo talaga, anak! Baka isipin ng ibang tao na ninakaw lang kita sa ibang nanay. Naku, huwag kang magiging tulad ng ibang mga batang magaganda: maganda nga, mayabang at masama naman ang ugali. Magiging mabait ka ha, anak? Huwag kang mananakit ng kalaro, sige ka, hindi ka na nila isasali. At kung ano man yung laruan mong dala, magpapahiram ka para pag gusto mo na ring manghiram, pahihiramin ka rin nila.

Anak, may mga bagay sa mundo na pag-aari mo, may mga bagay na pag-aari naman ng iba, at may mga bagay na walang nagmamay-ari, pinahiram lang sa atin ng Diyos. Lahat yan, dapat nating pangalagaan. Tulad ng dagat, naririnig mo ba ang paghampas ng alon sa tabing-dagat? Ang sarap pakinggan, ano? Masarap ring maligo diyan, lalo na pag mainit ang araw. Pero dapat aalagaan natin ang dagat kasi hindi masarap maligo sa dagat kung madumi ang tubig. Kaya huwag kang magtatapon ng basura sa dagat, kasi hindi lang dudumi, mamamatay rin ang mga isda na nakatira diyan, mauubusan tayo ng kakaining isda. Masarap pa naman ang isda. At saka, nalimutan ko pa, huwag ka ring iihi habang nakalublob. Kadiri yon, anak!

At habang pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga nakakadiri, araw-araw kang maliligo at magsisipilyo ng ngipin ha, anak? Sige ka, pag mabaho ang hininga mo at maasim ang kili-kili mo, hindi makikipaglaro ang mga kaibigan mo sa iyo. O ba’t ka umiiyak? Kakadede mo pa lang, ah. Ay, umuu ang anak ko. Ayan ha, pag malaki ka na, huwag kang gagaya sa ibang mga tao na gumagamit lang ng tisyu at nagpupunas lang ng pwet. Gagamit ka ng tubig at sabon para?..hindi ka kadiri!

Hay, anak, ang dami-dami-dami mo pang dapat matutunan, pero may oras ka pa. Basta makikinig ka lang sa amin ng tatay mo ha, para iwas ka sa gulo. May mga kakilala ako noon na naging suwail sa magulang. Alam mo kung ano ang nangyari sa kanila? Nabugok ang ulo, itinakbo pa sa ospital. Kaya tutulad ka sa nanay mo na nakinig sa lola mo at hanggang ngayon ay hindi pa nababalian ng buto o naoospital man lang.

O siya, naghihikab ka na. Kinakatulugan mo ang sermon ko, ha? Sige ka, kakagatin kita diyan, eh. Hindi, hindi, anak, biro lang. Eto na, ipaghehele na ang bebe ko. O shhh, tulog muna uli anak.

La la la la, hmm hmm, na na na na na la la…

###############
Lullabye to the tune of “Kawayan” by Grace Nono.

I’ve been meaning to write a ‘new mom’ piece in honor of Arwen of peyups.com. Pero parang ngayon lang lumabas nang matino, or at least semi-matino. \ 10x1

1 Like