Personal Thoughts: Intindihan at Antayan

Parang naiintindihan ko na.

O ito lang ang gusto kong isipin.

Ayaw mo akong masaktan. Ayaw mong makita akong malungkot. Pero ayaw mo rin sa ‘kin. O sige, correction… hindi mo kayang maging kung anong gusto kong maging ka sa buhay ko. Quote na lang kaya kita? Sorry, Jeng, hindi ko kayang maging ganoon sa ‘yo .

Ikaw naman kasi. Bakit mo pa ba kailangang sabihing gusto mong isauli ‘yung sulat na binigay ko sa ‘yo noong umamin ako? Bakit mo pa sinabing nalulungkot ka tuwing babasahin mo iyon? Bakit mo pa sinabing naaawa ka sa ‘kin?

Ako naman kasi. Bakit ko pa kailangang i-probe kung bakit ka naaawa sa akin? Bakit pa ba kita binigyan ng sulat na magpapalungkot sa ‘yo eh ayaw ko din namang nakikitang malungkot ka. Bakit ko ba ‘to ginawa sa friendship natin? Ba‘t ba kasi ang hirap-hirap na hindi umasa?

Ikaw kasi ulit eh. Nung sinabi ko sa ‘yo na nagkakaganito na ‘ko, na may symptoms na ko kaya lumayo ka na, ayaw mo namang lumayo. ‘Yan tuloy, yung ideya na kahit na alam mo na, nakikipag-close ka pa din sa ‘kin, led me on. Masama nga raw mag-expect pero ang hirap na hindi eh. Paano ba gawin yung huwag isiping baka may nararamdaman din sa ‘yo ang isang taong lapit pa rin nang lapit kahit alam na niya kung anong nangyayari sa ‘yo tuwing nandyan siya?

O sige. Ako kasi ulit. Hindi pa ako nasanay. Ilang beses ko ba kailangang dumaan sa ganito? I mean, alam mo yung mga nakaraan ko. Kaya nga ang sagot mo kung bakit ka naaawa sa ‘kin ay dahil pagkatapos nung mga iyon, hindi mo inisip na ikaw din pala magagawa mo. Na paiyakin ako. Pero hindi mo gusto. Alam ko iyon. Alam kong mahal mo ako. Hindi nga lang sa paraang gusto ko.

Natatandaan mo pa ba nung iniyakan mo pa yung kaibigan ko? Sabi ko sa iyo, you don’t always get what you want but you’ll definitely get what you deserve. Nakakainis, ipapayo ko rin yun sa sarili ko. For the nth time. Pero hindi ba sasaya din ako? Hindi pala. Sasaya din ako! Hindi nga lang siguro sa iyo, pero I’ll get what I deserve. Hindi naman ako masamang tao kaya siguro may magandang naghihintay para sa akin. Sana sigurado. At yun na lang ang iisipin ko ‘no?

Tama. Ayaw mo akong masaktan. Ayaw mo akong malungkot. Pero hindi mo kayang maging kung anong gusto kong maging ka sa buhay ko. Alam mong nasasaktan ako ngayon pero alam mong mas mabuti ito kaysa sumulong tayo sa lebel na hindi para sa atin kung saan baka mas lalo pa tayong magkasakitan.

So parang naiintindihan ko na nga. Hindi mo kasalanan. Hindi ko kasalanan. Walang may kasalanan. Lesson ito. Experience. I’m just glad I’m going through this with you.

Okay lang naman siguro kung medyo weird ako for a while ‘no? Ayoko pa ring iwanan yung pagkakaibigan natin. It’s the best gift you’ve ever given me. And if only for that, I’d be honored to go back to being your old normal friend.

Sana pagbalik ko, andyan ka pa din. Tapos isang araw, pag-uusapan natin ito, tatawa na lang tayo. Darating din yung isang araw.

So dyan ka lang. Babalik din ako.

At gusto kong isipin, naiintindihan mo din.

3 Likes

Kamusta na kaya si author at si friend? May plot twist rin kaya tulad ni @Noringai? :hihi:

2 Likes