Personal Thoughts: Ikaw Pa Rin Kung Sakali

Kahit ibigay pa sa kin ng Diyos ang isang perpektong tao, mas pipiliin ko pa rin yung mahal ko. ‘Yan ang sabi ko sa ‘yo nung minsang napag-usapan natin ang mga love life natin. Pareho tayo ng pag-iisip sa bagay na ito. Pareho tayong naniniwala na meron ngang tao na nilaan para lang sa atin. Dati, akala ko ikaw na ‘yon. Ngayon ko lang naiisip na baka nga hindi talaga tayo para sa isa’t isa.

Kung aalalahanin ko lahat ng dinaanan ko dahil sa iyo, mapapabuntung-hininga na lang ako. Sabi ko nga, mahirap maging kaibigan mo, pero mas mahirap na mahalin ka at maging kaibigan mo lang. Bilang kaibigan, kailangan kong ipakita ang suporta ko sa lahat ng gusto mong gawin. Kailangan ipakita ko na masaya ako tuwing masaya ka. Kailangan ipakita ko na natutuwa ako sa mga kakiligan mo kapag kasama mo siya. Kailangan nakangiti ako kahit malungkot ako. Lahat nang ito ginagawa ko dahil gusto kong malaman mo na tunay akong kaibigan. At dahil mahal kita. Kung pwede nga hindi na ako magpapakita sa yo para lang hindi ako masaktan. Pero mahal kita. Para sa akin, ito lang ang dahilan kung bakit hindi ako umaalis sa tabi mo. Para sa akin, ito lang ang dahilan kung bakit hindi ako nawawalan ng pag-asa sa ‘yo.

Pero ngayong napapaisip ako, hindi lang naman kalungkutan ang dinala mo sa akin. Ang ganda rin pala ng pagkakaibigan natin. May mga araw na kapag magkasama tayo, tawa lang tayo ng tawa. Siguro weirdo talaga tayo pareho, magka-wavelength. May mga araw naman na sobrang seryoso ng usapan. Tungkol sa mga problema sa pamilya, mga prinsipyo sa buhay at mga pangarap na gusto nating abutin. Pero may mga araw rin na wala kang kakwenta-kwentang kausap. Yun yung mga beses na kahit tahimik lang, ok na para sa atin.

Kapag kasama kita, sobrang kumportable ako. Kaya kong maging ako tuwing kasama kita. Kaya kong sabihin lahat-lahat at ipakita ang buong pagkatao ko sa yo dahil alam kong tatanggapin mo pa rin ako bilang kaibigan.

Ito ang hindi ko nakita noon. Dahil sa pagkabulag ko sa pagmamahal ko sa ‘yo, isinumpa ko ang pagkakaibigan natin. Lagi kong naiisip na kaibigan lang kita. Hindi ako nagpasalamat sa pagkakaibigan natin. Ngayon lang ako natutuwa na kahit papaano, kaibigan kita. Masaya ako na dumating ka sa buhay ko, kahit para maging kaibigan ko lang. Isa ka sa mga biyaya na ibinigay sa akin at nagpapasalamat ako dahil dito. Masaya ako dahil kaibigan kita at dahil namamamahal kita ng ganito. Siguro nga hanggang dito na lang ang pagmamahal ko sa iyo. Hanggang kaibigan na lang.

Kahit ibigay pa sa kin ng Diyos ang isang perpektong tao, mas pipiliin ko pa rin yung mahal ko. ‘Yan ang sabi ko sa iyo. Sabi ko sa iyo mas pipiliin pa rin kita. Na kahit sino pang mas gwapo, mas matalino, mas mabait, o mas may prinsipyo pa ang dumating sa buhay ko, ikaw pa rin. Kung gugustuhin mo lang, ikaw pa rin. Ikaw pa rin. ‘Yan ang sabi ko sa iyo. Bingi ka lang. Manhid pa.

Siguro nga hindi talaga tayo para sa isa’t isa.

2 Likes

One thing na na-realise ko from losing my first bf of 6 years e sana hindi na lang kami tumawid sa pagiging more than friends. We’ve known each other since we were in Grade 3 at malalim yung naging pagkakaibigan. But in the end, hindi lang yung relationship ang nag-suffer pero pati yung friendship din.

It took us almost 9 years para makapag-communicate ulit and I must admit, we tried to be “friends” again but it didn’t work out. It became awkward when I asked this show stopping question: “Alam ba ng wife mo na you are talking to me?” At sinagot nya ako ng “hindi.”

That’s the end of it again. But at least right now mas magaan na yung pakiramdam. But no, we didn’t become friends again.

1 Like