Love Stories : Si Anton na Taga-Bio

Hindi ko eksaktong masabi kung saan ako nagkamali. Siguro bulok lang talaga style ko.

Summer 2001 ko unang nakilala si Anton. Actually, halos patapos na kami sa mga experiments namen sa Physics 72.1 nang nagkaroon ng pagkakataong mapansin ko siya. Haaaaay, tandang-tanda ko pa nga eh…

Experiment #7. Optical Disk: Reflection and Refraction. May 15. Tatlong set-ups lang daw ang gumagana sabi ni Ma’am Ison. Kaya naman, sa unang pagkakataon, eh, makaka-group naming mga taga-arki ang mga taga-bio. Standout si Anton sa grupo. Tatahi-tahimik, pero mapapansin mong may alam. Kahit bihira lang, cute na cute naman kung ngumiti. At kapansin-pansin din ang kalinisan niya sa mga kuko (sa kamay at paa) at sa skin head na gupit. Napansin ko rin ang madalas nyang pag-ngatngat sa bolpen at mga daliri niya. Kadiri, pero medyo sexy. At yun na nga ang simula ng paghanga (pwede ring pagka-obsess) ko sa isang pambihirang tao.

Hindi kami nagkakilala o nagkausap man lang kahit minsan, pero mangilang-ngilang beses ko na ring sinubukang kilalanin si Anton. Pero sa bawat subok, pumapalpak ako. Olats talaga. Tulad na lang nung pagkatapos ng experiment #7. Itatanong ko na sana sa kanya ang pangalan niya, pero kumaripas na sya sa pag-alis. Kung hindi ko pa tinanong sa instructor namen kung ano’ng pangalan nya, malamang “classmate” pa rin ang tawag ko sa kanya hanggang ngayon. Nariyan din yung minsang inabangan ko sya pagkatapos ng finals namen sa Physics lab upang personal na magpakilala. Inisip kong huling pagkakataon ko na ‘yon para makausap at maka-interact si Anton. Ngunit hindi ko naggawa dahil nagmamadaling umuwi ang kasama ko. Eh, ayoko namang umuwing mag-isa. Pero sinubukan ko pa ulit nung finals nila sa Physics lecture. Kahit wala naman akong exam noon [kase tapos na ako mag-Physics 72], pumunta ako ng UP at inabangan ko sya sa may pinto ng classroom nila. Sabi ko, “Eto na. Eto na yun…” Akalain mo ba namang dalawa pala ang pintuan ng classroom na ‘yon at sa kabilang pinto sya dumaan. O ano? May mas olats pa ba sa akin? Wala na yata.

So, ano’ng choices ko? Pwede ko syang kalimutan o pwede ko syang kilalanin. Kalimutan siya? Ang hirap yata nun. Ano pang silbi ng paghanga ko kung hindi ko man lang nakilala ang totoong Anton? Kilalanin? Paano? Eh, kung hindi ko nga makuhang magpakilala, paano ko pa malalaman ang mga detalye tungkol sa kanya? Ni hindi ko kilala ang mga kaibigan niya maliban sa apat na classmates naming lagi niyang ka-grupo sa mga experiments — sina Disney, Noah, Ros at Wilmer. Pero hindi ko rin nakakausap ang mga ‘yon. So, saan ako magsisimula?

Naalala ko nung minsan akong tumambay sa FOPC, parang nakita ko si Anton na nakatayo malapit sa mesa ng ABM. ABM kaya siya? Pa’no ko malalaman? Noon pa man, napatunayan ko na ang internet ang pinaka-mabisang paraan para hanapin ang iba’t-ibang impormasyon. Kaya naman, ito ang una kong naisip na paraan. Pumunta ako sa homepage ng ABM. Hmmm, walang pamilyar na pangalan maliban kay Wilmer. Tutulungan kaya ako nito? Maiintindihan naman siguro niya. Mukha naman siyang mabait. Sinubukan ko na rin.

Hindi naman mahirap kontakin si Wilmer. Nakapaskil sa URL niya ang sandamakmak na e-mail addresses na hindi ko alam kung alin ang pipiliin ko. Edsamail na lang. Malamang chine-check niya ‘yon. Libre naman ‘yon eh. At doon na nga nagsimula ang pangso-stalk ko kay Anton. Sheesh, dinamay ko pa si Wilmer. Pero ayos lang. Cooperative naman siya eh. Marami-rami rin siyang nakwento tungkol kay Anton. Hindi ko nga masabi kung isa nga siya sa mga dahilan kung bakit ako nabuko. Oo, nabuko ako. At hindi lang si Anton ang may alam. Parang apoy na kumalat at pinagpiyestahan ng mga taga-ABM ang balita tungkol sa isang kaawa-awang taga-arki na nagtatanong tungkol kay Anton. Siguro hindi lang ako naging maingat sa mga pinagtatanungan ko. Siguro dapat hindi ko na lang ‘yon ginawa. Siguro kailangan ko pa ng practice.

Paano nga ba ako nabuko? May nakapagsabi ng cellphone number ni Anton sa akin. Pero hindi rin naman siya sigurado kung number nga ba talaga yun ni Anton. Ang ginawa ko, pina-text ko sa kaibigan ko para hindi halatang ako, kase naibigay ko na kay Wilmer ang number ko eh. Hindi nag-reply. So, inakala naming hindi nga ‘yon kay Anton. ‘Yung mga panahong ‘yon, nasabi sa akin ni Wilmer na nagbabakasyon sa Europe si Anton. So, malamang hindi niya talaga natanggap ang text na ‘yon. Tanong pa ni Wilmer, kung may iba pa raw akong pinagsabihan kase kumakalat na raw sa tambayan nila ang tungkol sa akin. Ngek! Paano? Hindi ko alam. Kaagad kong naisip na baka nag-spill na si Wilmer. ‘Tado yun ah. Bago niya masabi ang lahat, naisip kong unahan na siya sa pambubuking. Tinext ko na si Anton at nag-pakilala. Hindi ulit nag-reply. Baka nga hindi sa kanya ‘yung number.

Nagulat na lang ako nang sinabi ni Wilmer sa akin na hindi na raw niya ako matutulungan tungkol kay Anton. Pinagsabihan daw siya ni Anton na huwag na mag-kwento at magbigay ng impormasyon sa akin na tungkol sa kanya. Naasar daw si Anton sa natanggap niyang text. So, nakarating pala sa kanya. Pero ba’t ganon? Binuking ko ba’ng sarili ko? Kasalanan ko ba’ng lahat? Tama bang maasar si Anton sa akin gayung humahanga lang naman ako? Masyado bang freaky ang ginawa ko? Naiinis kaya si Wilmer dahil nadamay pa siya sa schemes ko? Ginawa ko na’ng lahat, pero bakit olats pa rin ako? Ang dami kong tanong na hindi nasagot. O alam ko naman ang sagot, pero ayoko lang tanggapin. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maisip kung bakit nagkaganon ang mga nangyari. Aaaarrrrgggghhhh!

Lumipas ang ilang buwan na wala akong ginawa. Hindi ko na sinubukang kausapin si Wilmer o si Anton. Bakit pa? Siguro dapat pinili ko na lang na kalimutan siya in the first place. Nagbabad na lang ako sa dati kong gawi — ang mag-internet. Ilang beses ko ring naka-chat ang ilang taga-ABM. At isa lang ang tanong nila, “Nangyari nga ba ‘yon?” Well, sana nga hindi na lang nangyari…

Matagal na ‘tong nangyari. Matagal ko na rin siyang hindi nakikita. Siguro busing-busy na siya sa thesis at siguro marami na ring nagbago sa kanya: Siguro hindi na siya skin head. Siguro tumubo na ang mga kuko niya. Siguro pudpod na ang mga ngipin niya sa kakangatngat ng bolpen. Pero malamang, magfi-freak out siya ‘pag nabasa niya ito…o baka maasar na naman.

Hay naku. Bad move. Bad time. Bad luck. Bad trip talaga. Ang gusto ko lang naman, eh, makilala siya. Sayang. Dapat pala sinunod ko na lang payo ni pareng Leo…”Kung alam mo na ang pangalan, tama na ‘yon.”

4 Likes