Love Stories: Mahal kong Bespren*

Nagkakilala tayo sa Peyups.com.
Hindi ko alam kung bakit, pero biglaan ang pagkatuwa ko sa karakter mo sa net at napansin kong ganoon ka rin sa ’kin. Pinadalhan kita ng PM noong natuklasan kong kakilala ka pala ng kuya ko. Hanep di ba, ikaw pa ang nagsabi sa ’kin na kaarawan mo rin pala noong araw na iyon. Araw na una kong binulabog ang buhay mo.

Ilang buwan na pangungulit, pagpo-post, at kung anu-anong kalokohan sa peyups ang naganap bago pa tayo magkakilala sa personal. Marami akong nakikilala sa Internet at sa Peyups.com, marami na rin silang nakilala ko sa personal pero pare, iba ka talaga.

Nagkausap muna tayo sa telepono. Aba, unang pagkakataon pa lang ay parang ilang taon na tayong magkakilala. Magka-wave length nga kung tatawagin. Kung anu-anong kawirduhan ang mga pinagsasabi mo, kaya sinabayan din kita at nagkasundo tayo. Ipinakilala ko rin sa ’yo ang dalawang imaginary friends ko, nakuwento mo na rin ang pagiging kunwaring scuba diver mo noong home alone ka nung bata ka pa. Napag-usapan din natin ang tungkol sa mga panaginip, pusa, schizophrenia, hayskul layp, pelikula, Beatles, musika, superheroes, at milyong mga kabalbalan. Alam ko Mahal na Araw pa noon. Hindi ako nainip kausap ka. Gusto na kitang makita agad noon para mas makilala. Pero alam kong parang hindi na kailangan dahil para talagang nakilala na kita sa nakaraan, at alam ko ring hindi ako inlab sa ’yo no’n.

Nagkasalubong tayo sa may FC at nalampasan na ang isa’t isa, tapos sabay pa tayong lumingon para siguraduhin kung ikaw nga si toot at ako naman si xeean. Nilapitan kita at nakipagkilala sa ’yo. Mabilis lang iyon dahil may kailangan ka lang iabot sa ’kin at mag-e-enrol yata ako noon para sa summer classes.

Gusto ko nang i-fast forward ang lahat.
Alam ko milyon nang mga gunita ang rumaragasa sa utak ko tuwing aalalahanin ko ang mga pinagsamahan natin. Kahit pa isang taon pa lang iyon. Ganoon na lamang ang paglalapit ng loob natin. Labasan ng angas sa buhay. Labasan ng mga korning dyoks. Labasan ng mga wirdong bagay na nahuhugot natin mula sa mga sulok ng utak. Lahat na yata kaya kong sabihin sa ’yo, pati pag-utot ko alam mo. Umiyak pa nga ako sa ’yo noong nag-break kami ng boyfriend ko di ba? Umiyak nga ba ako no’n? Sabi ko sa ’yo e, kaya kong burahin ang mga detalye ng bad memories sa utak ko. (Tapos saykik pa ako. Ano pang hahanapin mo?)

Basta habang nagpatuloy ang pagsasama natin mula noong bakasyon, mula sa mga post sa peyups, usap sa telepono hanggang sa mga inuman, pagyoyosi kahit ayaw natin, pagkain ng mga cravings, panonood ng kung anu-ano, paglalakad kung saan tayo dalhin ng mga paa natin, pagtulog sa ilalim ng buwan, at milyon pang mga gunitang hindi ko lilimutin… hindi ko malaman kung para ba kitang kuya, kapatid na bata, tatay, lolo, kumpare, boyfriend, o ano. Hindi ko masabi na inlab ako sa ’yo. Hindi ko rin masabi kung paano nangyaring bespren na ang turing ko agad sa ’yo. Dabest ka talaga e.

Alam kong mahal mo ako at mahal din kita.
Hindi ko lang alam yun, kundi nadadama ko at nakikita ko sa mata at ngiti mo. Alam ko ring nauunawaan mo ang mga sinabi ko noong huli tayong nag-usap tungkol sa ’tin. Nagugulat din ako sa mga nangyayari. Ngunit sa kabila ng paminsan-minsan kong pagkagulat ay naririnig kitang kumakanta nang mahina sa tenga ko, “Huwag kang matakot, ‘di kita pababayaan kailanman…” tapos sabay na tayong kakanta ng “Huwag kang matakot na matulog mag-isa, kasama mo naman ako oh…”

Hindi puwedeng lumampas ang isang araw na hindi mo ako napapangiti. Maski lumitaw pa nga lang ang mukha mo sa isip ko, nangingiti na ako e. Pero bakit ganun? Hindi ko na talaga trip ang mushy ngayon. Yun lang siguro ang pumipigil sa ’kin. Hindi ko trip ang relasyon ngayon. Yun bang opisyal na “tayo na” anuman-ang-mangyari-gumunaw-man-ang-mundo na tipong relasyon?

Siguro nga sariwa pa ang mga sugat natin mula sa mga nakaraang relasyon. Pero hindi ko rin masasabing iiwanan kita dahil lang sa mga kaartehang ‘to (o kung ano man ang tawag dito). Sabihin mo nang iniisip ko lang sarili ko, pero alam mong iniisip din kita. Kaya hindi ko muna gustong dalhin tayo sa mas mataas na lebel kasi ayokong saktan ka. Wala akong balak, pero natatakot akong masaktan kita.

Wala na akong gustong isiping ’lebel-lebel’—pauso lang ‘nila’ yun. Kung ano ang mayroon tayo ngayon, napakasaya ko na. Sabi mo rin di ba, masaya ka tulad ko. Yun naman ang mahalaga di ba? Tulad ng sabi mo, walang magbabago at hindi natin hahayaang masira ang kahit ano. Kung may magbago man, iyon ay sa ikabubuti ng pagkakaibigang ito.

Gusto kong malaman mo na nagdala ka rin ng liwanag sa isang madilim na bahagi ng buhay ko.
Kung anumang bahagi iyon—hindi ko matukoy. Minsan naiisip ko, sana mas maaga tayong nagkakilala. Sana kababata kita. Pero huwag na, mas ayos ‘to. Alam kong mahaba pa ang pagsasamahan natin. Alam kong hindi mo ako iiwan at ganoon rin ako sa ’yo. Salamat sa pagiging ikaw. Salamat sa pagtanggap sa ’kin nang buong-buo. Walang pagpapanggap o kahit anong kaartehan sa buhay. Simple lang naman ang buhay di ba? Dahil kapag magkasama tayo, dama ko na malaya tayong dalawa.

Marami pa sana akong gustong ibahagi tungkol sa mga pinagsamahan natin kaso nangangawit na ako kakatayp dito.

Halimaw, hawakan mo na ang kamay ko. Lilipad na tayo. Oo nga pala, Hawaryu?

Tayo na lang ang nakakaalam kung anong ibig sabihin ng linyang yan.

Astig. Ayus. Apir!

Nagmamahal,

Kendigerl