Biyaheng Peyups: Wala nga bang bobo sa UP?

Bobo ang taga-La Salle. Bobo ang taga-Ateneo. Pati taga-AMA, pinatulan na. Ang lupet ng mga taga-UP, it’s the only university in the Philippines, daw.

Mahirap panindigan ang kasabihang “walang bobo sa UP.” Paano kasi, overrated natin masyado ang mga sarili natin. Minsan nang may taga-UP akong napanood na nagkakalat sa isang Game Show, napailing na lang ako, “wala nga bang bobo sa UP?” Meron kasi dati, sumali sa Weakest Link. VetMed graduate daw siya sa UP Los Baņos. Nang tinanong siya kung ano ang tawag sa sangay ng agham sa pag-aalaga ng mga hayop for human consumption, ang sagot niya, “Veterinary Medicine!” (with conviction pa and hand gestures). Ang lutong tuloy ng panglalait ng La Salistang si Edu Manzano sa kanya.

Pero unang hirit pa lang 'yon. May mas bobong taga-UP pa akong kilala, yung dormmate ko dati sa Yakal. Nagawi siyang UP Manila. Maghahating-gabi na raw nang pauwi na siya. Habang nag-aabang siya ng sasakyan sa tapat ng UP Manila, na-hold up siya at nasaksak. Pumara siya ng taxi at nagpahatid sa UP Infirmary. Hawak-hawak niya raw ang sugat niya upang wag dumugo. Tumawag ang Infirmary kay Ate Azon sa Yakal nang mga ala una ng madaling araw para humingi ng tulong. Wala daw kasing magbabantay sa kanya sa Infirmary. Sa halip na maawa ako sa sinapit niya, humagikhik na lang ako sa tawa. Binilang ko kung ilang malalaking Ospital ang madadaanan mo mula PGH hanggang Infirmary. Apat pare, four, 4. Kung hindi ba naman kabobohan ang tawag mo sa ginawa niya, anong pwedeng itawag dun?

Siyempre, hindi ko nilalahat. Hindi porke’t may isa o dalawang bobong taga-UP, walang saysay na ang kasabihang “walang bobo sa UP.” Ang problema, hindi lang isa ang na-encounter kong bobo sa UP. Meron dating isang dormer, Amethyst ata ang pangalan. Akalain mo ba namang pagmumurahin ang gwardiya ng Ingles, e ganung marunong naman siyang mag-Tagalog. Nagpuputak-putak siyang mag-Ingles e alam naman niyang kalahating pangungusap lang ang kayang intindihin ng pobreng gwardiya sa mga pinagsasabi niya. Ukinamshit! Akala ko pa naman, matalino ang mga magaling mag-Ingles.

And speaking of English, may kaklase din akong bobo sa Comm 1. Pina-outline sa amin ng teacher ang isang short article. Nang pinasulat na ng teacher sa blackboard ang mga outlines ng volunteers, nagulat ako. Na-invade na nya ang teritoryo ko sa blackboard. Pinaraphrase niya pala ang article. Proud na proud pa siya sa work niya, nag-volunteer pang i-present sa blackboard. Proud na proud pa naman sana akong quota course kami. Whew! Nakakahiya sa mga taga-Eng’g na ka-half namin sa Comm 1.

Apat? Kulang pa ata. Idagdag na natin ang unit commander ko dati sa ROTC. Nag-explain kung paano magbasa ng mapa. Todo Ingles, fill in the blanks naman lagi ang last word ng sentence niya, mali-mali ang grammar, ang tigas ng pagbigkas, at hirap pang mag-modulate ng boses. Pagkatapos niyang ipaliwanag ang tamang paraan ng pagbasa ng mapa, tinanong kaming lahat: “Cadets, any questions?” Sabay-sabay naman kaming sumagot: “No, Sir!” (ano ba ang tatanungin namin, e sa wala kaming naintindihan sa mga sinabi niya). Tuwang-tuwa naman siya. Nang isa-isa na kaming pinagbasa ng mapa, walang kahit isang may alam. E kung tinagalog nya ang paliwanag niya, e di sana, naintindihan namin. Kung hindi ba naman siya bobo e, paulit-ulit niyang sinasabi ang this and that, wala naman siyang tinuturong bagay.

Well, kung may bobong estudyante, may bobo ding teacher. Parang teacher ko sa PI 100. Nagkukuwento siya sa tungkol sa Galeon Trade. Kaya daw may bayan na Mexico sa Pampanga, e dahil marami daw Mexicano ang nanirahan dun nung panahon ng Galeon Trade. Kaya nga daw meron ding bayan na ang pangalan ay Dau, dahil daungan daw yon ng mga galeon. Dahil di ko matiis, tumayo ako at nagtanong. Tinanong ko kung paano naka-daong ang mga galeon sa Dau e landlocked at wala namang dalampasigan ang Pampanga. Hindi ko balak na i-embarass si Ma’am. Ang bait-bait ng teacher na 'yon. Pero sana naman, kung mang-iistir sya, yung hindi naman kami pinagmumukhang bobo.

Hindi lang pala mangila-ngilan ang mga bobo sa UP. Meron akong mga kilalang 2 beses na bumabagsak sa Math 17, gusto pang mag-shift sa Eng’g. Stepping stone lang daw kasi nila ang course nila nung freshman. Ang galing nga naman ng idea nila. Meron din akong nabalitaang nag-try out sa rowing team, hindi pala marunong lumangoy. Oo nga naman, hindi naman paglalangoy ang ginagawa ng members ng rowing team. Ang problema, nang pinatalon sila sa dagat para i-test ang endurance sa swimming, tumalon din siya. Yon! Tigok!

Kaya naninindig ang balahibo ko tuwing sinasagot ako ng walang kakwenta-kwentang rason na “wala namang bobo sa UP e.” Kasi, kahit ako minsan, may mga kabobohan ding ginagawa. Ang nakakaburat lang, lait ng lait tayo ng mga taga-La Salle, taga-Ateneo, at taga-AMA (ganito na ba tayo kababaw ngayon???). Pagkatapos, yung katabi mo pala sa klase ay bobo pala.

4 Likes

Naging classmate ko ata yung Amethyst.

Hay tell me about it. Anyway, ang bigkas ba naman ng kaklase ko sa word na Hoax eh HO-AXE. Tawa kami ng tawa ng kaklase ko. Gusto ko hiritan, “paano ka nakapasa ng UPCAT?!?” Ang masaklap pa sinisi pa ang tatay kasi ganun din daw bigkas ng tatay niya sa word. Facepalm. Ang kabataan nga naman ang pagasa ng bayan.

Pansin ko lang mga bata ngayon sa UP madalas mahina mga EQ. For some strange reason ang daami nilang ganyan. Mga basic na bagay na common sense na lang pagdidisisyunan nahihirapan pa sila. Must be them gadgets they be toting to school. Madalas pa pag sumagot napaka highfalutin ng mga words na ginagamit yung mga prof napapailing na lang sa mga recitation kasi pwede naman direct to the point.