Biyaheng Peyups: UPLB Lang?

Taga-UP din ako. Pasado naman ako sa UPCAT. Iskolar ako ng bayan. Di sa nagmamalaki ako o kung ano man, pero baket pag sinabi kong taga UPLB ako, ang sasabihin sa akin, “UPLB lang?”

Hindi ko alam kung ano meron o wala sa UPLB. Ang alam ko lang, lagi akong ini-encourage ng nanay ko na magtransfer, sa UP Diliman o kaya ay sa UP Manila.

“Galingan mo. Dapat mataas ang mga grades na makuha mo, tapos magtransfer ka na sa Diliman, o kaya sa Manila.”

“Ayoko ho. Maayos naman ako sa UPLB. Masaya ako dun.”

Paulit-ulit lang usapan namin. Nanay ko na pipilitin akong magtransfer, ako na anak na tatanggi.

Naalala ko dati nung una kong nalaman na pasado ako sa UP (di ko pa alam na sa LB). Kumakain kami noon kasama mga kabarkada ko. Bigla na lang may lumapit at nagsisisigaw, “Huy! Pasado ka sa UP Diliman! Engineering! Ang galing-galing mo!” Syempre, narinig ng buong sambayanan, lahat nagtinginan sa akin. Naging instant celebrity ako noon. Kulang na lang magpa-autograph sa akin ang mga tao. Ikaw ba namang makasabay malaman ng valedictorian-to-be ng batch na pasado kayo. Tapos, sa sandamakmak na kumuha ng UPCAT sa batch namin, dalawa kaming kauna-unahang nalaman na pasado. Umiiyak na yung iba kong kaklase. Di daw ata nila kaya pag di sila pumasa. Iniisip siguro nila na ako ngang eengot-engot eh pasado, tapos sila na pasok sa top ten eh di makakapasa?! Unfair ata yun para sa kanila.

Pag lumalabas ako ng classroom, lahat ng tao kino-congratulate ako. UP Diliman. Engineering. Teka, natigilan ako. Noon ko lang napagtanto na wala sa choices ko ang Engineering. At hindi pumasok sa utak ko na isama yun sa mga choices ko. UP Diliman first choice ko na campus, pero hindi ko choice ang Engineering. Kinabahan na ako nun. Parang ang sarap kutusan nung nagbalita sa akin. False alarm ata. Kahiya-hiya pag nagkataon.

Kinabukasan, naliwanagan ang lahat. Nagtext yung kaibigan namin na sa UPLB pumapasok. Pasado naman daw ako. Sa UPLB. Tapos sinabi ang course code. Parang nadismaya lahat. Parang narinig ko may nagsabi, “Saan daw?” Tapos may sumagot, “UPLB daw.” May humirit, “UPLB lang?”

Napahiya ako nun. Bakit lang? UP naman yun ah. Pagdating sa bahay, dun lang ako napaiyak. Pero naisip ko at least sa UP yun. “Yung iba nga di nakapasa. At least sa UP pa din ako.” Syempre, kailangan kong palakasin ang loob ko.

Pagpasok ko sa eskwela, may isang teacher na lumapit sa akin. “Pasado ka daw sa UP ah. Saang campus?” Sagot ko, “Los Baños po.” Sagot nya, “Los Baños lang?” Para pang nang-uuyam. Bad trip. Pero inisip ko, isa yun sa mga teachers na hate na hate ako (ako ay teachers’ enemy). Pero ok lang. Di ako napikon.

Pagdating sa bahay, may bisita ang nanay ko. Tinanong kung san ako papasok sa kolehiyo. Sagot ko sa UPLB. Sabi nila, “UPLB lang? Baket di ka na lang nag-Diliman? O kaya Manila?” Baket sa Los Baños lang?” Nag-walkout na lang ako. Baka kasi kung ano pa maisagot ko.

Nakakainis! Baket ba nila-lang ang UPLB? Sabi ng isa kong kaibigan, “Dumayo ka pa dun para lang maging magsasaka. Eh di sana dito ka na lang pumasok”. Gusto ko na siyang talupan ng buhay nun, taktakan ng ajinomoto nang makita nya hinahanap nya. Akala nya yata eh agriculture lang ang kursong meron sa UPLB.

Bakit, marami din naman ang may magagandang trabaho na galing UPLB ah? Marami din akong nakikita na mga banner na nagko-congratulate sa mga taga UPLB, nagkakamit ng acadamic excellence. Meron din namang taga-UPLB na nagkakamit ng “Thesis of the Year”. Marami ding taga UPLB na kasama sa “Students of the Year”. Marami ding taga-UPLB na yumayaman. Madami (o lahat) naman ng taga-UPLB may ibubuga. Lahat din naman ng taga-UPLB magagaling.

Kung nightlife din naman, di naman pahuhuli ang LB. May mga bars din naman sa UPLB. Kahit marami nagsasabi, amoy-talahib daw sa LB. Bundok. Meron pa nga naghahanap ng naka-bahag. Malayo sa sibilisasyon na parang walang dumadaloy na kuryente at naka-gasera pa ang mga taga-UPLB. Madalas, nakakainis. Nakakaasar.

Pero kahit ano pa sabihin nila, mahal ko pa din ang Los Baños. Di ko ipagpapalit kahit saang campus. Bundok na kung bundok, basta masaya ako dito. Kaya nga kapag tinatanong ako kung saan ako nag-aaral, ganito ang sagot ko: Sa LB po. Sa UPLB.

########

Hindi ko po intensiyon na pagkumparahin o kung ano pa man ang mga UP Campus. Isinulat ko po ito na nagtataka kung bakit nila-lang ang UPLB.

2 Likes

To be honest, kung hindi ako sa UPLB pumasa ng UPCAT, hindi ako papayagan ng mga magulang ko magaral sa malayo. Kung hindi sa UPLB, wag ka na umalis ng BAGUIO sabi nila. Sanay kami sa bundok at simpleng buhay. Kaya masaya ako na sa LB napunta ang College of Vetmed. Pag nasa Diliman or Manila yun, for sure di na ako makakapag UP.

Kanya kanyang preference naman yan. Kung tingin nla the best ang Diliman or Manila, ok lang yun. Di naman natin kelangan iprove mga sarili natin mga UPLB. Just let them be. Di natin kailangan mainis o masaktan. At least tayo taga-UP, eh sila ba? Sabi mo nga di tayo sa nagyayabang, pero dapat di tayo affected sa mga nagmamaliit sa atin. Oks lang yun. May mga tao talagang ganun. We don’t need to please anyone.

Mahal na mahal ko ang LB. Second home ko talaga. Babalik balikan. Laid back life na kinasanayan ko na sa Baguio, kaya it really feels like home din sa Elbi. Wanna go visit again soon… :inlove:

1 Like