Biyaheng Peyups: Elbi Life

Safe bang sabihin na lahat tayo proud sa university na pinapasukan or pinasukan natin? Mapa Diliman, Manila, Los Baños, or others man, may kanya-kanya tayong pananaw at damdamin tungkol sa unibersidad natin. Ewan ko lang sa inyo, pero ako mahal na mahal ko ang unibersidad ko. UPLB. Anim na taon na ako dito. Bakit? “Quality education takes time. Take time to smell the flowers. Be cool, stay in school”. Yan ang sinasabi ko sa sarili ko. Pero hindi ako nagsisisi. Mahal ko ang UPLB. Napakaraming rason para mahalin ang elbi.

Tuwing nakakausap ko ang high school friends ko or kahit yung mga simpleng hindi acquainted sa elbi life, ang lumalabas na image ng elbi sa kanila ay nakakatawa. Nakakatawa in the sense na nakakatawa ang mga tanong nila.

“May kuryente ba dun?” “Saan kayo sumasakay papuntang klase? Sa kalabaw?” “Ano yung Fertility Tree?” “Buko pie ba lagi ang kinakain nyo?” “Eh di lagi kang nakikipag-rally?”

Sa kanila daw kasi air-conditioned ang mga rooms. Karamihan sa kanila ay de-kotse. Sanay sila sumakay ng MRT. Hindi sila sa ilalim ng puno naghaharutan ng mga irog nila. Maraming motel sa paligid. Iba’t ibang restaurants at fast food chains sa tabi-tabi. Sibilisado. Good for them.

Eto naman ang mga tanong ko.

Nakapasok ka na ba sa klase mo ng hindi pa naliligo o nagtu-tootbrush man lang? Pumasok ka na ba ng nakapambahay na damit ka lang? Pumasok ka na ba sa klase mo nang amoy alak ka pa? Ilang beses ka hindi nakapasok sa 7:00 am class mo dahil pinadlock ng mga tibak ang mga entrances sa mga buildings sa lower campus? Nakapag-aral ka na ba mere days before your exam? Eh the night before your exam? Eh an hour before your exam? Nag-inom ka na ba the night before your exam? Eh right before?

Ilang terror na teachers na ang pinagdaanan mo? Eh yung mga weird? Mga boring? Mga manyak? Ilang teachers na ang nakainuman mo? Nakaaway? Nakasagutan? Nakasagutan at ikaw ang nanalo? Ilang S.A.'s na ang kinupal mo dahil may x number of absences ka na raw kahit ang alam mo eh x-2 number of absences ka pa lang? Ilang beses ka na nagpapirma sa seatmate mo ng attendance? Ilang beses ka na muntik nang ma-forced drop dahil sa excessive absences?

Ilang subjects na binagsak mo? Ilang subjects na ang na-tres mo? Eh na-dos? May uno ka ba? Ilang class cards mo na ang nawala? Nanakaw? Pinabayaang maglaho dahil alam mo nang nagmumurang singko lang ang laman nun? Nag-drop ka na ba ng subjects? Nag-remove ka na ba? Ilang beses mo pinangako sa sarili mo na sa susunod na exam, mag-aaral ka na? Promise? Ilang beses mo nang sinabi na “eto na, totoo na 'to. mag-aaral na talaga ko.”? Peksman? Ilang beses ka hindi nag-cram para sa paper mo? Ows?

Nadala ka na ba sa infirmary? Nadala ka na ba sa infirmary dahil talagang may sakit ka? May pinagtawanan ka na bang kaibigan mong lalaki dahil mukha syang tanga 'pag nasa field sya tuwing ROTC? Napagtawanan ka na ba for the same reason? Nag-ghost hunting ka na ba with your friends? May nakita kayo? Namboso ka na ba sa mga taong “nag-uusap” sa Fertility Tree? Kinilig ka? Nakatambay ka na ba sa may Carillion Tower? Eh sa Qwek-qwek tower? Ilang beses ka na kumain ng isaw at proven dun sa malapit sa White House? Ilang beses ka na nakipag-meet sa groupmates mo sa McDo sa Vega? Umorder ba kayo? Honestly? Nagmukmok ka na ba sa Carabao Park? Ilang beses mong tinanong sa ibang tao ang tunay na pangalan ng “Templo ni Bruce Lee” malapit sa D.L. Umali? Nasaan ang banga ni Mariang Banga, sa ulo nya o sa may baiwang? Nakatambay ka na ba sa likod ng Main Lib? Ano ginawa mo dun? Really?

Ilang quiz contests na ang sinalihan mo? Nanalo ka naman? Ilang org-sponsored dance parties or concerts na ang na-attendan mo? Masaya bang makinig ng concert sa labas ng barricades? Ilang beses ka na nairita sa prof mo dahil ni-require nya kayo ng classmates mo na manood ng isang play? Nakasaksi ka na ba ng frat rumble? Eh soro rumble? Eh acad org rumble? Ilang rallies na ang napuntahan mo? May ipinaglaban ka ba o ayaw mo lang magklase nung araw na yun?

Nakaakyat ka na ba sa Peak 2? Sa Pook ni Maria Makiling? Sa Jamboree? Sa Mudspring? Sa Flatrocks? Sumuka ka na ba sa Flatrocks Bar? Nasabuyan ka na ba ng beer sa IC’s? Nakapag-billiards ka na ba sa Isis cafe? Nag-amoy Selina’s ka na ba dahil dun ka kumain? Kapag kapos ka sa pera, ilang beses ka nang sinabihan ng friends mo na magtrabaho sa crossing tuwing gabi? Ginawa mo ba? Ilang beses na kayo bumilog ng friends mo para mag-chikahan lang pero napansin nyong may kulang sa gitna nyo kaya bumili kayo ng gin at beer para punuan ito? Mahilig ka ba sa rhetorical questions?

Kanya kanya lang tayo ng mga experiences. Sa loob at labas ng class room, may matututunan ang isang iskolar ng bayan. Sa UPLB, masasabi kong totoo yung previous sentence. Sa UPLB, matututunan mong mahalin ang buhay. Yan ang maipagmamalaki ko sa mga taong nagtatanong kung may TV ba daw sa elbi. Malayo kami sa masasabing kabihasnan. Pero sa elbi nabubuo ang pagkatao namin. Nahahasa ang utak. Tumatatag ang prinsipyo. Nabubusog ang kaluluwa. Ang puso, minsan humahalakhak, minsan lumuluha.

Mga klase na pumupukaw sa kaisipan. Mga gawaing akademiko na humahamon sa tatag ng loob at tibay ng katawan. Mga gimik na simple pero rock. Mga usapang pang-kaibigan na nagpapagaan ng mga problema. Mga kwentuhang kalokohan at masayang halakhakan. Mga palitan ng ideya tungkol sa kahit anong mga bagay. Mga simpleng pagsasama-sama na gumagamot sa mga pusong duguan. Ganito ang buhay sa elbi. Ito ang buhay ko.

4 Likes

Bigla akong natransport to X years ago. Kulang pa… Nagtop ka ba sa exam kahit lasing ka?

And for our batch and those older than us na nag NaSciII, narealize mo ba that we are all children of the stars?

Same here. My favorite years are those I spent in Elbi. Hayahay ang buhay, I found genuine friends in the org I joined, at siomai lang ni Papu’s o kaya half order ng monggo sa Ellen’s, masaya na kami. Deep o mababa na usapan? Kering-keri magswitch anytime. Pag may pera, iinom sa bahay, Leandro’s or IC’s, tapos pagkagising maglalakad papuntang DTRI o PCC para bumili ng choco milk.

Simple and happy times.

Ilang taon ko din regular na binalik-balikan ang Elbi after graduation. Siyempre nakahanap pa ako ng totoong mga kaibigan post-Elbi life, but the truth is, life is different there. Taga-siyudad ako, pero dahil sa Elbi, pinangarap kong manirahan sa probinsiya.

When I die, I’d like my ashes to be sprayed or buried there, whichever is allowed.

1 Like

Sali na kayo sa FB group UPLB Open Tambayan!