Tibak si Nena. Hindi naman halata nung una ko siyang nakilala. Blockmates kami, at di ko naman napansin na may potensyal siyang maging isang tibak. Akala ko nung sumali siya sa isang rally kontra sa CPDP (naaalala niyo pa ba yung issue na yun?) eh nagpapacute lang siya sa mga boys sa block namin.
Normal naman kausap si Nena. Inamin niyang crush niya yung blockmate namin na mala-Robin Padilla ang dating. Nung pinanuod namin yung “Hercules”, pareho kaming tuwang-tuwa kay Zeus (“Uhm, Olympus would be THAT way”). Sabay naming nadiskubre ang bisyo ng paninigarilyo, at magkasama kaming nagtatago sa mga taong kontra sa pagyoyosi namin. Pumapasok lang kami ng ES11 dahil sa teacher namin, kahit na pareho kaming bagsak-bagsak sa exams. Pagdating sa lovelife ko, memorized niya ang mga pinagdadaanan ko, sa mga litanya ko sa emails at sa mga kuwentuhan sa tambayan. Madalas ang panonood niya ng UAAP games at pagdaan-daan sa gym. Normal ang buhay, normal ang pinagkakaabalahan.
Pero bukod pa dun, may iba pa siyang pinagkakaabalahan. May mga RTR, flyers na pinamimigay, meetings na pinupuntahan. Magugulat na lang ako kapag natyempuhan ko ang isang rally na padaan, at makikita ko siya. Dumami na rin ang mga kuwento niya tungkol sa mga adventures niya, sa mga bago niyang mga kakilala. Sa isang rally na pinuntahan niya, nabalitaan ko na nakaladkad siya ng mga nagdidisperse na guwardiya. Nagsimula akong mag-aalala sa kaibigan ko.
Nung nag-third year kami, naging part-time na estudyante na lang si Nena. Hindi na pumapasok, iilan lang ang units na enrolled. Minsan ko na lang rin siya nakikita. Madalas kung may RTR lang sila sa Eng’g o kung napapadaan ako sa Vinzons. Minsan dumadaan talaga siya sa tambayan para makipagkuwentuhan. Hindi talaga yun magpapahuli sa mga kuwento namin sa buhay at sa mga tsismis sa tambayan! Pero hindi niya makakalimutan na bigyan kami ng flyers at imbitahang sumali sa kung anu-anong rally.
Tuluyan ng nag-AWOL si Nena nung fourth year namin. Hindi na pumasok at wala ng balak maging estudyante. Naging malaking issue sa aming magkakaibigan – si Nena ang may pinaka-may potensyal sa amin, tapos hindi nya itutuloy ang pag-aaral niya! Sayang na sayang kaming magkakaibigan sa desisyon niya. Siyempre, mas malaking issue ito sa bahay nila. Makalipas ang ilang buwan, pina-deport siya ng mga magulang niya sa probinsya nila nang hindi nila makumbinse si Nena na mag-aral muli.
Bago siya umalis, ginawa kong ninang si Nena ng aking anak. Astig di ba, ninang ng anak ko isang tibak! Astig din ang mga regalo ni Nena nung Pasko at nung 1st birthday ng anak ko – mga children’s books tungkol sa EDSA, child labor at Chico River Dam! Kakaiba di ba? Naisip ko na ito yung rason kung bakit ko siya ginawang ninang: upang mabigyan ng ibang perspektibo ang anak ko tungkol sa ginagalawan niyang mundo. Bata pa lang gusto ko na siyang mamulat sa mga bagay-bagay na alam kong si Nena lang ang makakapagturo sa kanya.
Nagkita kami isang araw sa tambayan. Kuwentuhan, update ng mga drama sa buhay. Pinasalamatan ko siya kasi naging speaker siya para sa report namin tungkol sa Communism sa Soc Sci II. Biglang natahimik siya at sinabi, “May sasabihin ako sa ’yo”. Gagawin na niya ang kinatatakutan naming maging kahihinatnan ng pagiging tibak niya – mamumundok na siya.
“Eh pano kung maabutan kayo dun ng Balikatan? Anong gagawin niyo sa mga Amerikano?”
“Tinuruan naman kami eh. Pano umilag. Pano dumapa.”
“Ha?!? Magdadala ba kayo ng baril? Magiging NPA ka na ba?”
“Hindi noh! Babalik ako sa October!”
“Mare, ingat ka na lang. Tang-ina bumalik ka ha!”
Umalis si Nena nung birthday ng anak ko nung April. “Eh anong feeling mo, despidida mo?” tanong ng kaibigan namin. Marami sa amin asar kay Nena sa gagawin niya. Pinaglalaban ang karapatan sa edukasyon ngunit siya mismo hindi nag-aaral, at ngayon mamumundok pa! Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ni Nena. Natuwa na lang ako para sa kaibigan ko at nangakong sumulat.
Dumating ang isang sulat galing kay Nena nung isang buwan. Isang sulat para sa lahat ng kaibigan niya, na puno ng kuwento sa pagsasaka niya, sa pag-inom ng kakaibang kape, sa pag-kain ng ibang klaseng brown rice. Namimiss daw niya ang chocolates at kung anu-anong sweets. Ano na ba daw ang mga issues dito sa Maynila?
Naku Mare, may trabaho na si Grace. Gagraduate na si Marie ngayong sem at ako naman sa second sem. Yung kumpare mo magnenegosyo na, pero ayaw pa ring kumuha ng matinong trabaho. Hindi ko na nakikita si Bitch – malamang nabuntis na nga siya. Nag-propose na ako ng thesis ko, at tinanggap without revisions. Marunong nang magbilang from 1 to 10 ang inaanak mo. Nanalo nga pala ang Ateneo.
Pero, meron pa ring mahirap at mayaman, mga snatcher at holdaper sa mga kalye at mga magnanakaw sa gobyerno. Mataas pa rin ang dollar rate. Tumataas pa rin ang presyo ng gasolina. Hindi na yata mawawala ang banta ng TFI. Traffic pa rin kahit na ano pang gawin ni BF, baguhin man niya ang traffic schemes ng lahat ng kalye, o magpaalis siya ng sidewalk vendors. Hay naku Nena, parang walang nagawa ang mahigit limang taon mong pakikibaka.
* * * * * *
Ano nga ba ang mensahe ko? Para sa ating mga hindi tibak, gusto ko lang ipakita na may iba pa tayong mundong ginagalawan. Huwag niyo masyadong problemahin yung exam na yan, yung boy/girlfriend niyo, na hindi kayo makagimik, na asar kayo sa parents niyo. May mga taong namumroblema sa kakainin nila bukas, kung saan sila matutulog mamayang gabi, at kung huhulihin ba sila ng pulis ngayon. Merong mga government officials diyan na walang inisip kungdi pano tayo isahan. Dapat alam niyo na may plano si FPJ na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2004.
At para sa inyong mga tibak, at para sa iyo Nena, gusto ko naman ipaalala na may sariling buhay din kayo, may kaibigan, may pamilya, may kinabukasan. Sana makatapos din kayo, kasi alam ko namang naniniwala kayo sa kahalagahan ng edukasyon di ba (hindi ba’t ito’y isa sa inyong pinaglalaban?). Sana maasikaso niyo muna ang buhay niyo bago niyo asikasuhin ang problema ng sambayanan.
Sobrang namimiss ko na talaga si Nena.
###############
|